Kaunting
Impormasyon
“3oW pfH0uWzxS!
UztAh na U?” Naintindihan mo ba? Hi raw. Kinakamusta ka niya. Ewan ko ba kung
sino nakaisip nito, basta bigla na lang nauso sa kabataan at nagsulputan sa
bawat sulok ng Pilipinas ang mga Jejemon, o ‘di kaya’y ang mga Jeje, ‘yung mga
taong ganyan magsulat. Pwede rin nga pala magamit ang jeje bilang pang-uri o
pang-abay. At dahil medyo kakaiba ang pag-iisip ng nagpasimuno nito, naisip
niyang gawing tunog-sosyal ang ngalan ng wika: Jejenese. Para
bang Chinese, Japanese at Vietnamese. O ‘di ba, ‘di mo
malaman kung salitang Ingles o Pilipino! ‘Di lang sosyal, out of this world!
Sabi nila Ingles
daw ang pinakamayan na wika pero ‘wag ka, ‘di yata magpapatalo ang mga Jejemon!
Sa Jejenese hindi lang letra ang ginagamit, pati numero at simbolo! Wala naman
talagang tumpak na pamantayan kung paano isulat ang mga salita, basta siguraduhin
mo lang pinagsasama-sama mo ang mga letra, numero, at simbolo at gumagamit ka
ng uppercase at lowercase. At para mas mukhang jeje, lagyan ng
labis-labis na letra at iba pa.
Kapag babasahin,
parang kung paano talaga basahin. ‘Wag lang malito at tandaang maraming mga
letrang ‘di babanggitin, kung baga ‘yung mga silent letters, o sa kasong
ito, pati numero at simbolo. Naks, parang imported lang a! Gaya na lang ng ‘di
pagbanggit sa letrang h sa hola, ‘di rin babanggitin ang f, h, u, w, z,
x, at s sa pHouWZxS. Tignan mo nga naman, talo pa pala natin mga
dayuhan! Siguro sobrang lawak lang ng imahinasyon ng may pakana nito at
naisipang ipagsama lahat ng silent letters ng mga Amerikano, Italiyano,
Espanyol, Pranses, Ruso at Aleman.
Ang mga Jejemon ay
kilala sa kanilang Jejecap, cap na may mga patayong guhit na kulay
bahaghari sa bahaging likod. Mayroon ding iba’t ibang klase ng Jejemon tulad na
lang ng Bekimon, baklang Jejemon, at Pokemon, Digimon, Kumon, at mamon. Pero
kung magaling ka, maiisip mong inuuto lang kita at ang unang klase lang ang
totoo.
Ayan, nakagawa na
ng sariling pangalan ang kabataan ngayon! Pero, ngunit, bagkus, subalit,
datapuwa’t tila sadyang pabagu-bago ang isipan nila. Nahati ang kabataan at
nabuo ang mga Jejebuster, mga tutol sa Jejemon. Pinapalabas nila na baduy ang
maging Jeje. Sila, hindi. Sinasabi rin nila na galing sa demon o monster
ang pantig na -mon ng Jejemon.
Ito na ‘yung kwento talaga, peksman!
Tuloy-tuloy ang
pagsenyas ng dalawang kamay at paghipan sa sipol ng pulis habang sinisikap
nitong mapabilis ang daloy ng trapiko sa ilalim ng mainit na araw – ganito ang
ginagawa araw-araw ni Jeno. ‘Pag nagpapahinga mula sa trabaho, hilig niya
manood ng telebisyon at mag-text tungkol dito sa mga kaibigan, suot
ang paborito at malaking jersey shirt, komportableng baggy pants at
walang kupas na jejecap.
Isang araw sa
trabaho, napatingala siya para tignang mas mabuti ang inakalang eroplano, isang
malaking ibong mataas ang lipad at kumikinang ang makukulay na balahibong
mala-Ibong Adarna. Pagkalipad sa kanya, saktong dumumi ang ibon at tumulo ito
sa mata niya. Pinunasan na lang niya mata niya dahil sa galit na busina ng mga
sasakyan at muling nagtrabaho.
Nagulat siya at
nanlaki ang mga mata nang bigla na lang lumutang sa ere habang mapusok na
sumesenyas, animo naging pakpak ang mga braso. Tinigil niya ang ‘paglipad’ at
biglang bumagsak sa bangketa, ilang metro ang layo. Ang galing, ang taas ng
kinahulugan niya pero ‘di siya nagkaroon ng galos! Dito
nagbunga ang isang ideya kay Jeno habang nakatihaya at tinititigan ng ilang
tao, nakanganga…
Isang carnapper
ang matiyagang sinusubok buksan ang Chevloret sa isang kantong madilim.
Tagumpay siya. Dali-daling lumabas ang nagtatagong bantay at papasok na sa
kotse… nang biglang nagkaroon ng mabigat na kamay sa balikat niya. “At saan sa
tingin mo ikaw pupunta?”
‘Yan si Mang Jenong, ang bagong superhero
ng Pilipinas! Batay sa diyaryo, naka-tights siya na itim, may malaking
bahagharing J sa harap, nakasuot ng bahagharing brief sa labas ng
pantalon, at nakamaskara tulad ng Jabbawockeez. Ang sidekick niya namang
si Jestar ay nakasuot ng jejecap at ang harap ng damit ay may j, na tinuldukan
ng puso, katabi ng bituin. Mas bata kay Mang Jenong si Jestar, tunay na
pangalan, Juhlia este, Julio. Paano ba naman, isang bekimon na gusto maging starlet
kahit mabilog, kaya ganoon na lang ang ngalan bilang superhero at ang
pagkalito ko bilang tagapagsalaysay. A, ‘nga pala, ang letrang j sa Jenong ay
binabasa bilang h. Ito ang kinaiinisan madalas ni Mang Jenong kapag mabalita
siya at mali
ang pangalan niya. Hay, mga Jeje nga naman o.
Tinutugis nila ang
mga tagagawa ng krimen gamit ang kapangyarihang Junami, Zundag Lundag, Jejejeje
Pindot, at ang pinakamalakas na pwersa ni Mang Jenong, ang Jemonic Wave. At pagkatapos
ng bakbakan, titigil sila para sa Jejepose, peace sign na pahalang at
ang mata ay nasa gitna ng dalawang daliri. Walastik!
Onti-onti nang
nauubos ang mga maliliit na kriminal, nagsisimula na silang maghanap ng mga pinuno
nito. Dito nagagambala si Don, pinuno ng isang grupo ng sindikato, isang
Jejebuster at… singap! opisyal ng gobyerno. Gumawa siya ng eskandalo
tungkol kay Mang Jenong, isa rito ang lumabas sa YouTube na bigla na lang niya
sinaktan at binugbog ang ilang kolehiyong nakapila para sa dyip.
Biglang natakot ang
mga tao sa ating superhero dahil sa paparami ng paparaming eskandalo.
Nagkaroon ng malawakang rally sa pagkulong kay Mang Jenong! Sinunod niya ang
kagustuhan ng tao kasi alam niyang kaya niyang lumabas-pasok sa kulungan nang
hindi nakikita para patuloy tumugis ng masasamang tao. Nagawa niya ito subalit
isang araw, nakita na lamang bagsak ang mukha niya sa tasong puno ng sabaw. Food
poisoning daw sabi sa pananaliksik, “Baka may bulok na nakain.”
Dumagsa ang tao sa
puntod ni Mang Jenong. Para sa iba, wala nang pag-asa; para sa iba naman, wala
nang krimen at ngayon pa lang ang pag-asa. Katabi ni Juhlia ang humihikbing
batang napaisip ng malakas, “Sino na ang tapagtanggol natin?” Napangiti si Juhlia,
“Ikaw, ako, tayong lahat.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento