ILANG ORAS?
Alessi Azores
Nakutuban na ni Riza na may
mangyayaring masama nung umaga pa lamang. Malakas ang ihip ng hangin habang
naglalakad sila pauwi ng kanyang ina. Kakabalik lamang nila noon sa probinsya,
kinailangan kasi nilang lumuwas ng Maynila upang bisitahin ang kapatid na
kakapanganak lamang. Ilang oras pagtapos nilang umalis sa istasyon ng bus ay
nagsimula ng pumatak ang ulan. “Hala, kailangan na pala natin magmadali, wala
tayong dalang payong,” tahimik na sinabi ni Maricel sa anak niyang si Riza.
Nagmadali ang mag-ina at bago pa man sumapit ang madaling araw ay nakauwi na
sila ng bahay. Sa loob ay naghihintay ang kaniyang ama na si Juan,
kalong-kalong ang maliit na batang maiging nililinis ang kanyang mga laruan. “Ay,
buti naman nakauwi na kayo,” sabi ni Juan. Nagpatuloy ang pamilya sa kanilang
pangkaraniwang gawain, walang kamalay-malay sa mga pangyayaring magaganap sa
iilang oras na lang. Malapit ng magmadaling araw at sila’y nagpasya ng
magpahinga. Natulog magkatabi si Riza at ang batang kapatid na si Jose. Sinara
na rin ni Maricel ang pinto ng bahay at saka nagtungo sa kwarto nila ng kanyang
asawa.
Apat na oras.
Mahimbing ang tulog ng magkakapamilya
habang patuloy ang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan sa ibabaw ng kanilang
tinutulugan.
Anim na oras. Anim na oras nang
nakalipas ng sila’y lahat nahimbing.
Nagulantang si Maricel nang may
marinig siyang malakas na kalampag, malapit ang tunog kung saan siyang
naroroon. Mabilis na lumabas ng bahay si Maricel para tignan kung saan
nanggaling ang tunog na iyon. Sa harap ng bahay, wala. Sa gilid, wala. Narating
niya ang likod ng kanilang bahay at nakitang nalaglag na ang kalahati ng
kanilang bubong. Riza. Jose. Iyan ang
unang pumasok sa isip niya. Sumisigaw siyang tumakbo pabalik sa loob,
nilalabanan ang lamig na nararamdaman at panlalabo ng paningin dulot ng malakas
at tila ba galit na ulan. “Juan! Gumising ka! Bumigay ang bubong natin sa
likuran, puntahan mo ang mga bata!” Nakakunot ang noo ni Juan ng lumabas siya
ng kwarto, pilit na binubuksan ang antok na antok pa niyang mga mata. Nagsimula
nang pumasok ang tubig sa bahay nila at nagmadali si Maricel sa pag akyat ng
kanilang mga gamit sa ibabaw ng mesa, ng upuan at kung saan-saan pa. Si Juan
naman ay tumakbo sa kwarto ng mga bata at nakitang nadaganan ng kabinet si
Riza, habang patuloy pa rin ang pagtulog ni Jose. “Anak, andito na si itay, wag
ka nang umiyak, tahan na..,” sabi ni Juan kay Riza. Inangat ni Juan ang
natumbang kabinet at saka binuhat si Riza palabas. Ginising na rin nila si Jose
bago pa man siya mabasa ng tubig na patuloy ang pag-angat mula sa sahig.
Lumabas na silang tatlo at nasaksihan nila si Maricel sa pagtatiyaga niyang paglagay
ng mga gamit sa mga matataas na lugar. Tinulungan na agad ni Riza ang kanyang
ina. Di nagtagal ay umabot na hanggang tuhod ang tubig sa loob ng kanilang
bahay at nagpasya silang kunin na ang mga natitirang pagkain upang hindi ito
mabasa at madumihan. Paglipas lamang ng ilang minuto ay tumaas na uli ang
tubig, umabot na ito sa kanilang tiyan. Nagisip agad ng gagawin si Juan, at nagdesisyon
siyang umakyat sa bubong at gumawa ng pansamantalang silong para sa kaniyang
pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento